
Paano Kung Biglang Maglaho?
Sadyang kay palad nating mga tao sa pagkakaroon ng daigdig na ito. Mapalad sapagkat ang mundong ito ay ang nag-iisang planetang pwedeng tirhan ng mga may buhay. Tirahan ng iba’t ibang nilalang. Daigdig na sagana sa mga likas na yaman. Mga nagtataasang bundok, bughaw na dagat at malawak na kapatagan na ginawa ng Panginoon upang maging tahanan ng Kanyang mga nilalang. Lahat ng mga ito at iba pa, mga yamang-likas na biyaya ng diyos. Ngunit, paano kung maglaho na lang ang mga ito? Ano na ang mangyayari sa mundo at Inang Kalikasan? Paano na tayo at ang susunod na henerasyon?
Ang ating mundo ngayon ay dumaranas ng mga matitinding problema at ang lubos na naapektuhan ay tayong mga tao. Mga problemang mahirap solusyonan. Isa na rito ay ang “climate change” o pagbabago ng panahon. Laman ng mga balita ngayon sa telebisyon, radio, pahayagan at maging sa internet ang tungkol sa pagbabagong panahon. Ang mga siyentipiko ay naglabas ng opinyon at sinasabing mayroon na lang tayong nalalabing apat na dekada bago ang taong 2050 upang mabawasan ang lumalalang pagbuga ng greenhouse gases o hanging nagdudulot ng global warming. Kung hindi ito maiiwasan, aabot ito sa puntong di na natin matatakasan ang mapaminsalang epekto ng pagbabagong panahon tulad ng mga malalakas na bagyo, matinding baha o maging ang paghantong sa pagkawala ng mga buhay.
Unti-unti na nating nararanasan ang epekto ng pagbabagong panahon. Kagaya ng nangyari sa Hilagang Luzon. Kagimbal-gimbal ang bumungad na balita sa ating lahat noong nakaraang buwan nang manalasa ang malalakas na bagyo. Nagdulot ito ng matinding pagbaha at pinsala sa mga ari-arian at pati na ang mga buhay na nawala. Sanhi naman ng malakas na hangin at walang tigil na pag-ulan ay nasira ang mga taniman ng palay at iba pang halaman, nasayang na mga hayop, nawasak na imprastraktura at maging ang pagkaputol ng linya ng kuryente at komonikasyon.
Isa ring epekto ng pagbabago ng panahon ay malawakang bush fire at wild fire o sunog sa kagubatan. Ito ay naranasan sa mga lugar ng Australia, Russia at America. Malaking bahahgi ng kagubatan ang nakalbo dahil sa sunog. Dulot nito ang pagkasira ng tahanan ng mga mailap na hayop at ng mga ibon. Dahil sa malawakang sunog na ito, nakadagdag ito sa pagkakaroon ng global warming o pagtaas ng temperature ng mundo sapagkat wala nang sumasala sa hanging greenhouse tulad ng carbon dioxide. Tumataas din ang antas at dami ng masamang hanging ito dulot ng usok ng mga sasakyan at pagawaan.
Isa pang dulot ng pagbabagong panahon ay ang pagkatunaw ng mga naglalakihanan at bundok ng yelo dahil sa pagtaas ng temperatura ng mundo. Ito ay naranasan sa mga malalamig na lugar ang matinding init tulad ng Arktiko, Antartiko at maging sa Amerika at Europa. Ikinakatakot ang pangyayaring ito dahil maaaring maglaho sa mapa ng mundo ang mga maliliit na isla at mga mababang lugar. Tumataas ang tubig dagat at natatabunan ang mga mababang bahagi ng lupa.
Ang isang ugat ng mga problemang ito na kinakaharap ng ating kalikasan ngayon ay ang tumitinding polusyon. Mula noon at sa panahong ito ay hindi pa rin nawawala ang problemang ito at nananatiling pangunahing suliranin ng ating kapaligiran. Polusyon sa tubig, lupa, hangin at kasama na rin ang polusyon sa ingay. Maruming ilog, nangingitim na dagat, matinding usok at mga nagkalat na basura dahilan nito ang pagwawalang-bahala nating mga tao at kawalan ng malasakit sa kalikasan. Kakambal din ng problemang ito ay ang panganganib at pagkaubos ng mga lahi at uri ng mga hayop at halaman na bihirang makita. Di na mabilang ang kung ilang milyong uri ng hayop at halaman ang nangnganib na maglaho tulad ng balyena, agila, tigre, panda, at mga halamang tanging sa gubat at dagat lang makikita.
Ang mga suliraning ito ay nagdudulot ng matinding pangamba sa ating lahat. Unti-unti ng nauubos ang yaman ng kalikasan na naging dahilan ng pagdadarahop at kagutuman sa ating lahat. Kumukunti na ang mga hilaw na materyales na sangkap ng produksoyn sa mga pagawaan at mga pabrika. Nasasayang ang mga pananim sa mga sakahan at taniman gaya ng palay, mais at iba pang pinagkukunang pagkain. Tila dumadagdag pa sa pila ng mga problema ang mga lumalaganap na sakit. Mga sakit na nakukuha sa mga hayop at insekto tulad ng dengue, malaria, liptospyrosis, bird flu at swine flu. Kumakalat din ang mga higit na nakamamatay na sakit tulad ng A(H1N1) at SARS. Hindi na mabilang ang namamatay taon-taon sa buong mundo dahil sa paglaganap ng mga sakit na ito.
Kaakibat nito ang banta ng kalikasan. paglindol, tsunami, pagputok ng bulkan at hagupit ng mga bagyo, nagsisilbing ganti ng kalikasan para sa mga tao. Unti-unti na nating nararanasan ang mga ito at nagpaparamdam na ang kalikasan na kailangan na nating kumilos. Kaya naman maraminang mga batas at programa ang inilulunsad ng pamahalaan sa iba’t ibang bansa na makatutulong na mabawasan ang mga suliranin sa ating mundo at Inang Kalikasan. May mga organisasyon at grupo ring naglalayong mapangalagaan at maprotektahan ang yaman ng kalikasan.
Ang mga pangyayaring ito’y nasisilbing hamon sa ating lahat. Hamong pupukaw sa ating isip, damdamin at kamalayan bilang mamamayan ng mundo. Dahil tayo ang nagsimula sa gusot na ito, tayo rin ang gagawa ng hakbang upang malunasan ang problemang ito. Kailangan nating kumilos at umayos dahil kung hindi ay maaaring maglaho ang lahat ng bagay dito sa mundo na kasama tayo. Bilang nilikha ng Maykapal, itinakda tayo upang mangalaga sa lahat ng bagay dito sa mundo. Hindi sapat na gawin lamang natin ang mga bagay para sa ating sariling kapakanan. May mga tungkulin tayong dapat tuparin at gawin upang mamuhay tayo ng maayos, mabuti at malaya. Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay kailangang pangalagaan, protektahan at ipreserba o sinupin para sa darating na hinaharap. Huwag nating ipagbukas ang magagawa natin ngayon. Nariyan din ang indibidwal na responsibilidad ng mamamayan sa maliit nilang kapamaraanan ngunit makatutulong ito ng malaki sa pag-iingat sa kalikasan. Kagaya ng hindi pagtapon ng balat ng kendi at upos ng sigarilyo sa kalsada, paglilinis ng tambutso ng mga sasakyan at iba pa.
Minsan lang binigyan ng Diyos ang tao ng ganito kagandang kalikasan at nararapat itong payabungin. Nasa kamay ng mamamayan ang kalutasan ng problema sa kalikasan. Ang kalikasang ito ang ipapasa sa susunod na henerasyon. Ang kalagayan ng ating kapaligaran ngayon ay sang-ayon sa isinasaad sa awiting “Masdan Mo Ang Kapaligiran” na sumikat noong 1985. Ipinahihiwatig ng kanta ito kung ano na ang nangyayari sa ating paligid. Dapat nating alagaan at ingatan dahil pwede Niya itong bawiin at baka biglang maglaho na lang gaya nang isinasaad sa huling bahagi ng kanta.

